Friday, May 16, 2008

TAGUBILIN AT HABILIN

poem by: Jose "Ka Pete" Lacaba
(this was read by Armida Siguion-Reyna and the background music was by Ryan Cayabyab, hear her read this through this link )

TAGUBILIN AT HABILIN

Mabuhay ka, kaibigan!
Yan ang una’t huli kong tagubilin at habilin: Mabuhay Ka!

Sa edad kong ito, marami akong maibibigay na payo.
Mayaman ako sa payo...

Maghugas ka ng kamay bago kumain.
Maghugas ka ng kamay pagkatapos kumain.
Pero huwag kang maghuhugas ng kamay para lamang makaiwas sa sisi.
Huwag kang maghuhugas ng kamay kung may inaapi na kaya mong tulungan.

Paupuin mo sa bus ang matatanda at ang mga may kalong na sanggol.
Magpasalamat ka sa nagmamagandang loob.
Matuto sa karanasan ng matatanda pero huwag magpatali sa kaisipang makaluma.

Huwag piliting matulog kung ayaw kang dalawin ng antok.
Huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang utang na loob.
Huwag makipagtalo sa bobo at baka ka mapagkamalang bobo.

Huwag bubulong-bulong sa mga panahong kailangang sumigaw.
Huwag kang manalig sa bulong-bulungan.
Huwag papatay-patay sa ilalim ng pabitin.
Huwag kang tutulog-tulog sa pansitan.

Umawit ka kung nag-iisa sa banyo.
Umawit ka sa piling ng barkada.
Umawit ka kung nalulungkot.
Umawit ka kung masaya.

Ingat lang…

Huwag kang aawit ng “My Way” sa videoke bar at baka ka mabaril.
Huwag kang magsindi ng sigarilyo sa gasolinahan.
Dahan-dahan sa matatarik na landas.
Dahan-dahan sa malulubak na daan.

Higit sa lahat inuulit ko: Mabuhay ka!

Maraming bagay sa mundo na nakakadismaya, mabuhay ka!
Maraming problema ang mundo na wala na yatang lunas, mabuhay ka!

Sa hirap ng panahon, sa harap ng kabiguan, kung minsan ay gusto mo nang mamatay.
Gusto mong maglaslas ng pulso kung sawi sa pag-ibig.
Gusto mong magbigti kung napakabigat ng mga pasanin.
Gusto mong pasabugin ang bungo mo kung maraming gumugulo sa utak.

Huwag kang patatalo, huwag kang susuko!

Narinig mo ang sinasabi ng awitin,
“Gising at magbangon sa pagkagupiling,
Sa pagkakatulog na lubhang mahimbing.”

Gumising ka kung hinaharana ka ng pag-ibig.
Bumangon ka kung nananawagan ang kapus-palad.

Ang sabi ng iba, ang matapang ay walang takot lumaban,
Ang sabi ko naman,
ANG TUNAY NA MATAPANG AY LUMALABAN KAHIT NATATAKOT!

Lumaban ka kung iminumudmod ang nguso mo sa putik.
Bumalikwas ka kung tinatapak-tapakan ka!
BUONG TAPANG MONG IPAGLABAN ANG IYONG MGA PRINSIPYO,
KAHIT HINDI KA SIGURADO NA AGAD-AGAD KANG MANANALO.

Mabuhay ka, kaibigan! Mabuhay Ka!

No comments:

About ILLUMINA


ILLUMINA is Philippine Science High School Southern Mindanao Campus' Batch 2006, composed of eighty-six WAHAS, intelligent and talented people. They graduated from PSHS-SMC on March 29, 2006 and are currently pursuing undergraduate studies.